Friday, October 7, 2011

Kahalagahan ng Teknolohiya sa Pamahalaan

Sa kasalukuyang panahon kung saan ang kaalaman ay laganap dahil sa natatanging kakayahan ng internet, naglitawan ang mga website na naging mabisang instrumento ng maraming institusyon upang maghatid ng mahahalagang impormasyon at balita sa mga tao. Kabilang sa tumatangkilik na rito ang pribadong sektor at maging ang pamahalaan.

Sinasagisag ng mga detalyeng isinapubliko sa pamamagitan ng mga website ng isang ahensya ng gobyerno ang pagiging matapat nito sa paglilingkod sa bayan. Malalaman dito ng mga tao kung ano na nga ba ang pinagkakaabalahan ng pamahalaan at kung ano na ang narating nito. Kung nais mo namang makipag-ugnayan sa isang ahensiya, mabisa rin ang websites kung saan matatagpuan ang mga numerong maaaring tawagan at e-mail address na maaaring padalhan ng mga hinaing, katanungan, suhestiyon at iba pa.

Katunayan nito ang pagtatatag ng Computerized Registration System sa Unibersidad ng Pilipinas na nagpabilis sa usad pagong na enrollment. Maririnig ang mga upperclassman at alumni sa kanilang mga karanasan sa di maubus-ubos na pila tuwing bago magsimula ang semestre, na hindi na naabutan ng bagong henerasyon ng mga Iskolar ng Bayan. Ngunit 'di natin maitatanggi ang kahit papaano'y ginhawang dulot nito. Marami-raming pawis at oras din ang natipid.

Isa na rin ang karanasan ko sa Civil Service Commission na kinapanayam namin para sa aming dokumentaryo. Dahil sa e-mail service ng Unibersidad at ng kanilang ahensiya, mas napabilis ang pakikipag-ugnayan at tila pang-follow-up na lang ang pagtawag sa telepono. Mabuti ngang samantalahin natin ang ginhawang hatid ng makabagong teknolohiya.

Marapat lamang na paglaanan ng karagdagang pondo ang pagsasamoderno dahil di lamang nito pinabibilis ang paghahatid ng mga serbisyo sa taumbayan kundi inaangat din nito ang antas ng demokrasya ng ating bansa. Sa pamamagitan ng teknolohiya ay mababawasan ang korupsyon, kaya't malaking katanungan sa Administrasyong Noynoy Aquino ang pagbuwag sa Commission on Information & Communications Technology (CICT). Nakakalungkot kung hindi ito prayoridad ng kasalukuyang pamahalaan dahil kailangan nating iangat ang antas ng pamamahala sa bansa sa pamamagitan ng paggamit ng teknolohiya, ngunit sana nga'y hindi ganito.

No comments:

Post a Comment